Loading...
Address: Ibaan,Batangas
Sub-Category: Knowledge about local flora and fauna
Stories: Ayon kay G. Noel Villanueva, 49 taon gulang, ang kaniyang ama na si G. Casiano Villanueva na ngayon ay 74 taong gulang ay may Tubohan na noong siya ay bata pa lamang. Si G. Casiano ay isa sa tanyag na magtutubo sa bayan ng Ibaan. Nagsimula lamang ang kaniyang ama sa pagkakaroon ng isang (1) hektaryang lupa para itanim ang mga tubo. Hindi naglaon, ito ay lumago at naging masagana kung kaya’t ito ay hekta-hektarya na ang taniman sa kasalukuyan. Dahil sa katandaan na ng kaniyang ama, siya na halos ang namamahala ng kanilang Tubohan. Ang pagtutubo ay may dalawang paraan ng pag-aani, may paraang sinusunog at may paraang tinatabas. Ang iba ay sinusunong muna ang buong taniman upang maging mabilis ang pag-aani. Datapwat, ang iba naman ay tinatabas na lamang ang mga Tubo sa kadahilanang ito ay mas sariwa at mas mabigat ang timbang. Ayon naman muli kay Bb. Maila Vilela Tureja, nag-umpisa ang kanilang tubohan noong 1960s pa lamang sa panahon pa ng kaniyang lolo na si G. Lope Vilela. Matapos pumanaw ang kaniyang lolo ay ipinamana ang negosyong pagtutubo sa kanyang ama na si G. Magdaleno Vilela. Pumanaw naman ang kaniyang ama sa edad na 39 at mula noon ay ang in ana niya ang nagpatuloy nito. Matapos niyang makapagapos sa kolehiyo ay sya na ang gumawa at nagpatuloy ng Negosyo. Isa sa hindi malilimutang kwento ni Bb. Maila ay ang mga kaalaman na ipinamana sa kanya ng kanyang pamilya upang mas mapaunlad ang pagtutubo. Dahil dito, kilala ang Vilela’s Farm sa bayan ng Ibaan bilang may isa sa pinakamalaking kontribusyon sa pang-agrikultura. Hindi na lamang sa pagtutubo ito nakabatay kundi pati Narin sa iba’t-ibang sektor ng agrikultura tulad ng pagpapaminta, kape, at iba pa.
Description: Ang tubo ay ipinakilala sa Pilipinas ng mga kolonyalistang Espanyol. Kinilala nila ang matabang lupain at magandang klima ng bansa tulad ng mayroon sa Batangas, kabilang ang Ibaan, bilang mainam para sa pagtatanim ng tubo. Dahil dito, nagtatag ang mga Espanyol ng mga malalaking hacienda ng tubo at dito sapilitang itinuro ang mga sistema at proseso ng pagtutubo sa mga Pilipino. Noong 1970s, nagkaroon ng milling ang Ibaan at doon dinadala ang mga naaning tubo upang gilingin sa isang trapiche para gawing asukal. Dahil dito, mas naengganyo ang marami sa mga Ibaeño na magtubo na lamang kesa sa maghabi dahil mas Malaki at malimit ang kita. Sa ngayon, ang pagsasaka ng tubo ay patuloy na naging mahalagang bahagi ng tanawin ng agrikultura ng Ibaan, na nag-aambag sa lokal na ekonomiya at nagbibigay ng kabuhayan para sa maraming residente. Gayunpaman, ang industriya ay umunlad din upang matugunan ang pagpapanatili at mga pangangailangan sa merkado, na sumasalamin sa pagbabago ng dinamika ng agrikultura sa rehiyon. Ayon kay Bb. Maila Vilela Tureja, 47 taong gulang, isa sa may pinakamalaking lupain ng tubohan sa Ibaan at nagmamay-ari ng Vilela’s Farm, mayroon silang sinusunod na tamang proseso para sa pagtutubo: Paghahanda ng Lupa Inihahanda nila ang lupa sa pamamagitan ng pagaararo gamit ang malalaking makina, hindi ito karaniwang kinakaya ng ordinaryong kalabaw sapagkat ang ugat ay umaabot ng 1 hanggang 2 metrong lalim. Pagkatapos ay sinusuyod ang lupa upang mapabuti ang taniman, at maghanda ng makinis na punlaan. Paghahanda ng Pananim Nagtataad o nangunguha ng pananim ang mga magtutubo, 6 na buwang gulang na tubo ang karaniwang kinukuha nila. Sa isang laksa, 10,000 piraso ng taad ang ginagamit at sa isang ektarya ay maroong 4 na laksa o depende sa mga magtutubo. Pagkatapos mapili ang mga pananim, ibinababad ito ng 1-2 gabi upang magkaroon ng suloy. Pagtatanim Ang mga sett o suloy ay itinatanim sa mga furrow o taniman sa naaangkop na lalim at espasyo, karaniwang mga 1-1.5 metro ang pagitan. Ang pagtatanim ay karaniwang ginagawa sa simula ng tag-ulan upang matiyak ang sapat na kahalumigmigan para sa pagtubo. Pangangalaga ng Tubohan Ang regular na pag-weeding ay mahalaga upang makontrol ang pag-agaw ng damo ng sustansya at mapanatili ang malinis na kapaligiran para sa tubo. Naglalagay ang mga magtutubo ng mga pataba na naglalaman ng mahahalagang sustansya, tulad ng nitrogen, phosphorus, at potassium, upang itaguyod ang malusog na paglaki. At higit sa lahat, sinusubaybayan at pinangangasiwaan ng mga magtutubo ang mga peste at sakit na maaaring makaapekto sa tubo. Pag-aani Ang tubo ay lumalaki sa loob ng ilang buwan, karaniwang tumatagal ng 10 hanggang 12 buwan bago umabot sa kapanahunan, depende sa iba at lokal na kondisyon. Karaniwan, ang tubo ay handa na para sa pag-aani kapag ang mga dahon ay nagsimulang matuyo at ang mga tangkay ay nagbabago ng kulay. Maaaring manu-manong anihin ang tubo gamit ang mga tradisyunal na pamamaraam o maaari din namang mekanikal na may mga taga-ani ng tubo. Ang mga inani na tubo ay ikinakarga sa mga trak at dinadala sa mga gilingan ng asukal o mga pasilidad sa pagproseso para sa pagkuha.