Loading...

 PAGBABABOY

PAGBABABOY

Address: Ibaan Batangas

Sub-Category: Knowledge about local flora and fauna

Stories: Ayon kay G. Nestor Ocampo JR. 47 taong gulang, nagsimulang mag-alaga ng baboy ang kanilang pamilya hindi pa man siya ipinapanganak ay ito na ang isa sa pangunahing hanapbuhay ng kanilang pamilya. Noong una ay mayroon lamang silang tatlong (3) bulugan at tatlong (3) inahin. Niyog, gabi na san francisco na nilahukan ng giniling na ipa at palyat ang ipinapakain nila sa mga alagang inahin at bulugan. Taong 1990 ay itinigil ang pag-aalaga ng baboy dahil sa sila ay nalugi kaya’t humanap sila ng ibang pagkakakitaan. Sinubukan nila ang hanapbuhay sa pagtutubo subalit nalugi din ito. Naglako rin sila ng kulambo sa iba’t ibang lugar upang ipangtustos sa kanilang mga pangangailangan. Taong 2007 ay nagkasakit ang ama ni G. Nestor Ocampo JR. na si G. Nestor Ocampo SR., kung kayat wala ng magpapatuloy ng pag-aalaga ng mga baboy. Dahil dito ay ipinagpatuloy ni G. Nestor Oampo JR. ang pag-aalaga. Tinanggal niya ang mga ipitan ng inahing baboy at nangiwihan. Nagsimula siya sa dalawang (2) pitak na kulungan na may tig sampung (10) alagang biik na palakihin. Ang mga ito ay inaalagan mula sa edad na dalawa at kalahating buwan at aalagaan ng apat pang buwan bago ipagbili. Taong 2018 ay tinamaan ng sakit na cholera ang kanilang alagang baboy. Mula sa limampung ulo ay naubos ito hanggang sa lima na lang ang natira. Dahilan ito kaya sila ay napilitan ng ipagbili ang natitira pa at pansamantala munang itigil ang pag-aalaga. Ayon pa sa kanya, ang pag-aalaga ng baboy ang isa sa pangunahing hanapbuhay ng kanilang pamilya. Katulong siya ng kanyang tatay sa pag-aalaga bilang siya ang panganay na lalaki sa pamilya. Ang pag-aalaga ng palakihing baboy ay isa o dalawang beses sa isang taon depende sa pangangailangan ng mga mamimili. Kapag marami ang baboy o karne sa pamilihan ay bumababa ang halaga nito at karamihan sa nag-aalaga ay nalulugi. Kapag naman kakaunti ay nagiging maganda ang kita ng mga nag-aalaga sapagkat mahal ang presyo na bentahan ng karne at buhay na baboy sa pamilihan. Ang baboy na kanilang inaalagaan ay kinakatay nila at ginagawang karne na inihahain sa hapag kapag may mga okasyon o pagdiriwang na nagaganap sa pamilya. Subalit ang pangunahin nilang ginagawa sa mga alagang baboy ay ibinebenta ng buhay. Ang hatian ng tubo sa napagbili ng mga baboy ay tig limampung pursyento ng kabuuang kita sa pinagbilhan. Ang binabayad sa kuryente at tubig ay sa nag-aalaga o nangingiwihan ibinabawas. Ang dumi naman ng baboy ay iniipon, pinatutuyo at ginagawang pataba sa halaman.

Description: Ang pag-aalaga ng baboy sa Ibaan ay ginagawa na talaga ng bawat komunidad noong bago palang manakop ang mga Kastila. Nagsimula ito sa pag-aalaga ng baboy tagalog na itinatali sa isang puno malapit sa bahay nang sa gayon ay madaling makita at pakainin. Nakasanayan ng mga tao noon na pakainin ang mga baboy ng ipa ng palay at palyat o pinatuyong sapal ng niyog na hinahaluan ng molasses na syang nagbibigay ng lasa sa pagkain ng baboy. Nang dumating ang mga Kastila, dito nag-umpisa na maimpluwensyahan ang bayan na mag-alaga ng may mga lahi tulad ng mga puting “landrace” na baboy. Dahil sa kalidad ng baboy na ito ay naengganyo ang mga negosyante na mag-alaga nito at palakihin ang industriya sa bayan ng Ibaan. Ang pagbababoy ay nakatulong sa pag-unlad ng industriya ng paghahayupan sa Ibaan. Sa paglipas ng mga taon, ang bayan ay nakitaan ng mga pagsulong sa mga kasanayan sa pagbababoy, kabilang ang pinahusay na mga diskarte sa pag-aanak, mga hakbang sa pag-iwas sa sakit, at mas mahusay na mga pamantayan sa kapakanan ng hayop. Ang industriya ng paghahayupan ay naging mahalagang bahagi ng tanawin ng agrikultura ng bayan.