Loading...

PAGTUTUTLI

PAGTUTUTLI

Address: Ibaan,Batangas

Sub-Category: Rites of passage

Stories: Ang pagtutuli ay mayroong mga kaugnay na mga kwento at salaysay na nagmula pa sa mga nakaraang henerasyon. Ayon sa isa sa mga salaysay, ang pagtutuli ay isang gawaing ginawa ng mga Hudyo noong unang panahon. Ang kanilang pangalan para rito ay "Brit Milah" o "covenant of circumcision". Ito ay isang sagradong kautusan na iniutos ng Diyos sa kanila bilang tanda ng kanilang pananampalataya. Sa panahon naman ng mga Muslim, ang pagtutuli ay isang tradisyonal na gawaing ginagawa bilang pagpapakita ng kanilang pananampalataya at pagiging tunay na Muslim. Sa mga panahon ngayon, ang seremonya ng pagtutuli ay isinasagawa sa mga mahalagang okasyon tulad ng Santo o Sabado de Gloria, o mga araw ng mahabang bakasyon sa eskwela. Karaniwang nakikipagsama-sama ang mga batang lalaki upang maipakita ang kanilang pagkalalaki sa pamamagitan ng pagtutuli. Bilang paghahanda sa seremonya, nag-iipon sila ng dahon ng bayabas na gagamitin bilang pang-ampat ng sugat pagkatapos ng proseso. Sa loob lamang ng dalawang minuto, natatapos na ang proseso ng pagtutuli. Sa mga pagkakataon na nagdurugo, ginagawa ni Mamay Enting ang mga ritwal tulad ng orasyon at paggamit ng supla upang mapigilan ang pagdugo. Matapos ang seremonya, itinuturo rin sa mga batang lalaki ang mga dapat nilang gawin upang mapanatiling malinis at malusog ang kanilang ari.

Description: Ang pagtutuli o circumcision ay isang tradisyon sa Ibaan na bahagi ng kulturang Ibaeno. Ito ay isang seremonya ng pagpalit ng katauhan mula sa pagiging bata tungo sa pagiging binata, at itinuturing na "rite of passage". Ito ay isang simbolo ng pagiging ganap na lalaki, at kabilang sa mga tanggap at niyakap na mga kulturang Ibaeno sa lahat ng dibisyon. Bago tuliin, kailangan muna magbabad sa tubig upang mababad at lumambot ang balat sa dulo ng ari. Kailangan ding magdala ng mga gamit tulad ng putpot o pamutpot at panali, dahon ng bayabas, at kaha ng sigarilyo o gin. Ang mga magtutuli naman ay naghahanda ng mga gamit tulad ng lukaw, labaha o kutsilyo, at kahoy na pampatok o pamukpok. Sa mismong pagtutuli, panguguyain ng dahon ng bayabas ang tinutulian, at luluhod sa harap ng lukaw upang maipasok ang kawil sa pagitan ng ulo ng ari at ng foreskin. Kung naabot na ang lahat ng balat na tampos ay hihiwain na ito sa pamamagitan ng pagtuon at pagpukpok ng matalim na labaha mula sa dulo hanggang sa puno ng balat na tampos sa ari ng tinutulian. Matapos tulian, ang sugat ng pagkatuli ay naghihilom sa loob ng dalawang linggo hanggang isang buwan. Sa panahong ito, ang sugat ay dapat linisin araw-araw gamit ang pinakuluang dahon ng bayabas o ibang mga gamot tulad ng Aqua Oksihenada at Mertayolet. Maari rin itong budburan ng dinurog na penvid upang masmapadali ang paghilom. Ang kinudkod na bao ng niyog ay ginagamit rin bilang pamalit sa mga gamot na nabibili sa butika. Ang alabok ng kinudkod na bao ay ibinubudbod sa sugat lalo na kung ito ay namanaga o nangangamatis. Maaring isagawa ito sa mga bagong silang na sanggol, ngunit karaniwang isinasagawa sa mga kabataang nasa edad 9-13 bilang tanda ng kanilang pagbibinata.