Loading...
Address: Brgy. Pangao Ilaya , Ibaan Batangas
Sub-Category: River/Riverbank
Area: 0.0012 Ektarya
Owner Jurisdiction: Pampubliko na pinangangasiwaan ng Ibaan LGU at ng DENR
Description: Ang ilog Lagunlong ay nagmula sa salitang “ugong” at “dagundong” na nabuo sa salitang Lagonglong o malagong na ugong. Mararamdaman at nakatatawag pansin ang kakaibang tunog ng ilog na umuugong lalo na kapag panahon ng tag-ulan at bagyo. Ang ilog Lagonglong ay matatagpuan gawing gitnang ilayang bahagi sa Brgy. Pangao sa bayan ng Ibaan. Ang kabuuang sukat ng ilog ay labindalawang (12) metro at may lalim na walo hanggang sampung metro. Ang ilog ng Lagonglong ay hugis pabilog na napapaligiran ng maraming iba’t-ibang puno tulad manga, kawayan, langka, mahogany, tibig, alim at mga halamang gubat. Ang tubig ng ilog ng Lagonglong ay nagmula sa Brgy. Tulay na tinatawag nilang Sala. Nakakatawag pansin ang malakas na tunog ng tubig na lumalagulos sa ilog, at nakaka enganyo na kulay berde ng ilog, malamig at sariwang tubig na dumadaloy sa ilog ang syang nakakahikayat sa mga tao na makaligo sa ilog. Ang uri ng lupa na nakapalibot sa Ilog Lagonglong ay tinatawag na “Pila” o Luwad na lupa. Makikita sa itaas na kaliwang bahagi ng nasabing ilog ay may taniman ng kalamansi at sinturis, at sa bahaging kanan naman ay maraming puno ng niyog.
Stories: Ang kwentong barangay ng Ilog Lagonglong ayon kay dating Konsehal Gil Palad na may edad na 43 taong gulang ay mayroon daw pong nag aalaga na “kapre” kaya napapanatili ang tubig at ang kalinisan nito. Nasabi rin ng konsehal na kahit maging tag-init ang panahon ay hindi natutuyuan ng tubig ang nasabing ilog. Ayon naman kay Gualberto Torrano na may edad na 63 taong gulang na isa sa barangay tanod na kung saan siya ay lumaki sa lugar ng Ilog ng Lagonglong, ito ay nagsisilbing lugar ng paliguan, pasyalan at aliwan ng pamilya, at kung minsan ay ito rin ay lugar na kung saan ginaganap ang mga mahahalagang okasyon at nagkakaroon ng munting salo-salo at inuman ng kalalakihan.